Papaikutin Hanggang sa Kayang Paikutin
March 1, 2009
Hindi ba kayo nagtataka kung paano napapaikot ng telebisyon ang mga buhay natin? Marahil ay may ideya na ikaw kung ano ang gusto kong iparating. Mula gamit ng bata hanggang sa simpleng lutuin, sa mga iskandalong kinasasangkutan ng pulitiko hanggang sa mga “nagbabato” ay nagiging parte tayo ng hindi mabilang na pagkakataon nang hindi man lang natin alam kung tama nga ba ang napapanood natin. Halimbawa na lang ay ang mga sinasamang “pampalasa” na kung iisipin natin ay maganda kasi makakatipid sa oras at pera pero ang hindi natin alam ay kung maganda nga ba sa katawan natin un, isa pa sa halimbawa nito ay ang mga napapanood natin sa telebisyon tungkol sa pulitika na kung papansinin mo ay may pinapanigan sila o di kaya ay nagiging daan sila para ipagtanggol o pagtakpan ang sa tingin nila ang “tama” – pero hindi ba ang dapat ay patas na pagtingin sa bawat panig, may paninindigan at walang halong pulitika.
Bakit may mga kumpanyang inuuna ang interes nila at hinuhuli ang kapakanan ng mamamayan samantalang ang sinasabi nila ay ang taong bayan ang pinaglilingkuran nila.
Malapit na naman ang eleksyon at narito na naman ang mga pulitikong gustong magkaroon ng kapangyarihan para mas yumaman, para mapagtakpan ang mga kawalangyaang ginawa at ginagawa nila. Nagsisilabasan na naman sila isa-isa sa telebisyon upang maihanda tayo sa kanilang maiitim na layunin ngunit hindi pa ba tayo natututo sa mga pagkakamali natin? Huwag tayong maging bulag sa mga nakikita natin lalo na at alam nating hindi na tama, baka huli na pag nalaman nating ginigisa na tayo sa sarili nating mantika kasama ang pampalasa na lalason hindi lang sa atin mga utak kundi pati sa ating pagkatao.
Bakit may mga empleyadong tamad?
December 23, 2008
Sa dinami-dami ng mga nangangailangan ng trabaho ngayon sa bansang ito ay may mga taong sinasayang ang pagkakataong makapaglingkod sa kapwa at ginagawang parang laro ang trabaho nila, na parang hindi sila kontento sa kanilang tinatamasang karangyaan at pribilehiyo. Bakit may mga empleyadong sadyang sablay pagdating sa kanilang mga trabaho? Bakit natatanggap ang mga ito samantalang ang tangi lang naman nilang alam gawin ay ang magsolitaryo o ang magkuko sa gitna ng trabaho o di kaya ay kumakain kahit hindi pa lunch break at magchismisan lang ng mga walang kwentang mga bagay o manira ng kapwa samantalang mas maraming pwedeng pag-aksayahan nila ng panahon, at may mas karapat-dapat na umukupa ng posisyon nila. At may mga empleyado pang tumataas ang posisyon kahit na alam mong mas matalino pa si “*tuuuutttt*” at mas masipag pa si Juan Tamad, dahil kaya sa mga kakilala nila sa industriyang kinabibilangan nila at sa utang na loob sa kanila? Hindi kaya nila naiisip na sa mga ginagawa nila ay malaki ang nagiging epekto sa buhay ng mga taong nangangailangan ng serbisyo nila? Bakit kaya nila binabalewala ang pagkakataong binigay sa kanila para makatulong sa kapwa at lumaki bilang indibidwal? Bakit may katulad din ng ibang guro na madalang pa sa patak ng ulan kung magsi-pasok at daig pa si “the flash” sa pag-abot ng mga sweldo at higit sa lahat ay may gana pa silang magreklamo sa mga tinatanggap nila samantalang wala naman silang nagawang tama, tila nagiging isang malaking palaruan na lang ang mga opisina at paaralan ng mga mapagsamantalang mga kawatang ito. Paano pa tayo makakabangon kung mula umpisa hanggang sa mga sandaling ito ay walang pinagbabago?
Bakit may mga guro na hindi karapat-dapat?
October 27, 2008
Bakit may mga professor na hindi mo maituturing na isang “mentor” o kahit na isang guro? Bakit may mga guro pa rin na ang tanging alam lang ay ang magkwento tungkol sa buhay nila at magpa-research kung may tanong na hindi nila alam ang sagot o ang magturo ng hindi naman nila alam ang itinuturo at higit sa lahat ay ang mga gurong madalang pa sa patak ng ulan sa disyerto kung pumasok at mas mabilis pa sa alas-kwarto kung oras na ng sweldo? Bakit natatanggap ang mga ganito samantalang mas maraming karapat-dapat tumuntong sa posisyon nila? Porke ba nakakuha sila ng masteral degree o di kaya nagkaroon sila ng PhD sa pangalan nila? Saan nga ba nasusukat ang kagalingan ng isang guro, sa mga karangalan ba nilang nakamtan o sa dedikasyon nila para maimulat sa kanilang mga estudyante ang katotohanan? Kaya ba hanggang sa ngayon ay bumababa ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa dahil sa mga mapagsamantalang kawatan at sa katulad ng mga gurong ito?
Sa Langit kaya Nagkakatuluyan pa rin?
October 13, 2008
Isang nakakatamad na tanghali noon ng bigla kong maisip ang isang tanong na hanggang sa mga sandali ito ay gumugulo sa aking kaisipan. Isang tanong na tunay kayang nangyayari o isa lang kathang isip ng mga taong kulang lang sa paligo. Hindi ko kinukwesyon kung sino o ano ang tama, o kung ano ang dapat paniwalaan, ang sa akin lang ay kung ano ang nasa isip ng mga taong ito kaya nila naisip o nasabi ito. Kaya kung may maibabahagi ka sa aking katanungan ay maaari kang magkomento dito.
Naniniwala ba kayo sa kabilang buhay o kung may naghihintay sa atin pagkatapos nating mamatay? Sa langit o sa kabilang buhay kaya ay nagkakatuluyan pa rin ang mga namatay, dating mag-asawa o ung mga nagmamahalan? E paano ung mga taong nag-asawa ulit, sino ang makakatuluyan nila sa kabilang buhay, ung una ba o ung pangalawa o baka naman ung latest na kabit niya?
Ang sabi ng ilan ang makakatuluyan mo daw sa kabilang buhay ay ung tunay mong mahal pero paano kung ung tunay mong mahal ay may mahal na iba, ang ibig bang sabihin nun ay magkakaroon ng komplikasyon? Meron namang naniniwalang mawawala ang ating alaala, magiging bagong tao tayo pagpunta daw natin sa kabilang buhay pero taliwas naman ito sa mga paniniwala ng iba? Totoo kaya ang kasabihang “Love Conquers All” o “True Love Waits” kahit hanggang sa kabilang buhay?
Kung ako tatanungin ninyo… Abay ewan ko ah, kaya nga ako nagtatanong e kasi hindi pa ko napupunta dun e…
Ang Pangalang Hindi Yata Pinag-Isipan
September 29, 2008
May mga pangalang sa tingin ko ay hindi pinag-isipan, nabanggit ko na ito minsan sa nauna kong post (pambihirang kalokohan)… Sa aking palagay may mga pangalan talagang hindi na yata pinag-iisipan katulad na lang ng pangalang “boy” — para bang nabigla ung tatay nung una niyang nakita ang kanyang anak na kalalabas pa lang sa kung saan. Nang makita niya ung kanyang anak ay inunahan na niya ung nurse sa pagsasabing “it’s a boy” dahil sa una pa lang niya itong nakita ay may nakakabit na torotot (na para bang may party) ay sinabi niyang “boy”, dahil wala pa silang naiisip na ipapangalan ay bigla na lang pumasok sa isipan niya siguro hindi naman masama ang ipangalan un kaya simula noon nagsimula na ang matinding kaisipan ng tao. Nabalitaan ng mga kumare at kumpare nila ang kagila-gilalas na pangalang tumatak na sa kasaysayan at bumago sa takbo nang mundo ay na-realize nilang asteeggeenn pala ang pangalang un at tila napapanahon pa. Pero dahil sa isa nilang kumare at kumpare na tila naiinggit sa hindi maarok na kasikatan ng pangalang ito ay gusto nilang gayahin ngunit gusto nila ng mas kakaiba na tipong unang kita mo pa lang ay alam mo na ang pangalan niya at pag binanggit mo ito ay may halong arte na makakabagbag sa iyong damdamin. Lumipas agn mga araw at buwan at dumating ang araw na malapit na siyang manganak ay nadapa siya sa isang malambot ngunit may halong kaunting katigasan, nilalangaw, mabaho at mainit-init na bagay, at ng tiningnan at tinikman niya kung ano ung bagay na naglayo sa kanya sa matinding panganib (dahil sa halip na sa matutulis na bato siya nadapa ay dito siya bumagsak) ay bigla na lang siyang napasigaw na “T*E”, kaya simula non ay un na ang ipinangalan niya sa anak niya… — _the end_
Bilanggo
September 20, 2008
Hindi ko maisaletra ang nasa aking isip at nararamdaman sa mga sandaling hawak ko itong keyboard ng computer… Hindi maintindihan kung anong lohika meron ang aking pag-iisip at hanggang ngayon ay nananatiling nakabaon ang aking mga paa sa isang kumunoy ng nakaraan… Lumilipas ang panahon at unti-unti na akong nauubusan ng oras at tila hindi pa rin ako umuusad sa aking mahabang paglalakbay…
Siguro nga manhid na ko, lalo na dito… pinipilit kong maging bulag at ginawang manhid ang sarili sa mga bagay na nakakasakit sa akin — sakit na dulot nang isang nakaraang hanggang ngayon ay pilit na kumakawala sa kulungang isinadlak kung saan at nakatago sa kasulok-sulukang bahagi ng aking pagkatao ngunit unti unting bumabalik at ang aking pagkasadlak noong panahong inakala kong wala ng katapusan ang aking kasiyahan… bagamat puno ng hapdi, nananatiling nakapikit at umaasang balang araw pagmulat ng aking mga mata ay nariyan na ulit siya sa aking harapan pero hanggang kailan ako aasang darating ang panahong aking pinapangarap… o magiging bilanggo pa rin ako ng aking nakaraan?
Hahayaan ko nalang bang mawala ang mga bagay na lubos kong pinapahalagahan mula pa noong naging akin at hanggang sa mga araw na nawala na ito sa akin… nagmistulang bulag, pipi’t bingi, inakalang maibabalik pa ang nakaraan. Paano pa ako mabubuhay kung wala sa akin ang kalahati ng puso ko at ang natitira naman ay nagkapira-piraso? Paano ako babangon at magpapatuloy kung pilay na ako at kung wala niisang kayang tumulong sa akin? Paano pa nga ba ang mabuhay kung alam mong ubos na ang panahon mo dito sa mundong ito? Hanggang saan kaya natin kayang maghintay sa taong un — siguro hanggang sa panahong dumating na sa atin ang dapit-hapon…
Great Warrior
September 14, 2008
Even great warriors know how to fall back in battles if they know that there’s no way they win. Having a lack of courage to continue in their fight isn’t a sign of neither weakness nor failure. Samurais use their own weapon to kill themselves as symbol of their nobility even if it causes their lives. Some warriors fight till the end but some withdraw in the battle and some retreat then regroup and fight once more. Lovers are like warriors, because as lovers broke up just like warriors, some may fight till the end even if he/she knows that there is no chance winning his/her battle. Some may surrender and some may retreat but fight again in the right place and time. Some great warriors doesn’t want to admit that they have lose but a true sign of being a great fighter is by knowing how to hold back, let go and fight in the right time.
Kalokohan sa Ilalim ng Bilog na Buwan
September 7, 2008
Bilog na naman ang buwan, sabi nila pag bilog ang buwan ay lumalabas ang iba’t ibang kalokohan ng tao pero para sa akin hindi totoo yun dahil simula pagkabata ko ay loko-loko na ko, pwede pa pag bilog ang buwan ay mas lumalakas ang kalokohan ko. Meron nagsasabi na pag bilog daw ang buwan ay nagiging werewolves sila, kaya siguro sinasabi ng iba na pag bilog ang buwan ay naglalabasan ang mga kalokohan (isa kaya ito sa ginawa nilang basehan? Ewan ko lang din), marami daw nababastos, nadidisgrasya o di kaya ay nare-rape pag bilog ang buwan at sinisisi nila ang pagiging bilog ng buwan — sa palagay ko hindi totoo un… Pero bakit kaya maraming taong binabastos? Dahil kaya sa hindi mapigilang pagnanasa? O di kaya sa kapabayaan ng may katawan o dahil sa pag pipilit ng mga hindi binayayaan ng masyadong ganda na magsuot ng damit na makakatulong sa kanilang mapansin?
Kaya siguro maraming tao ang binabastos dahil hinahayaan nilang bastusin sila, sabi nga wala mababastos kung walang magpapabastos… Bakit kaya may mga taong hinahayang bastusin sila at kung minsan sila pa ang gumagawa ng paraan para sila ay bastusin, kaya tuloy ang ibang inosente ay nadadamay dahil sa kapabayaan ng iilan. Bakit kaya may ilang taong ginagawa nilang mababa ang tingin sa kanila ng tao at kung minsan o kadalasan ay hindi nila pinapansin kahit na kasing liit na ng mikrobyo ang tingin sa kanila? Bakit ayos lang sa kanila kahit na bastusin pa sila? Ganon na ba talaga kababa ang moral ng mga Pilipino, kaya bumababa ang tingin ng ilang dayuhan sa atin ay dahil din sa kapabayaan natin… Bakit kaya hindi nating gawing responsable ang ating mga sarili hindi lang para sa ating sarili kundi pati sa mga taong nakapaligid satin? Pero talaga kayang may kinalaman ang bilog na buwan sa pagiging bastos ng tao o dahil sa pagpapalit ng anyo ni Angel Locsin pagnanaging lobo siya at pag naging tao na siya ay biglang nawawala ung damit niya? (hindi kaya nagtitipid lang ung mga producer kasi hindi na pinapakita kung nasira ba ung damit niya pag nagbago siya ng anyo o kahit na nakasuot lang sa asong ginagamit nila este lobo nga daw pala un…)
Siguro hindi pa naman ganon kalala ang epekto sa akin ng bilog na buwan kasi kahit papaano ay loko-loko pa lang ako at hindi pa naman pumasok sa isipan kong isa akong taong lobo(manapa maging druglord at bold star nung bata ako)…
Kalokohan sa Gitna ng Kagag*han
August 31, 2008
I’m back… Matagal-tagal ko rin pa lang hindi nai-update itong blog ko. Sa ngayon ay may ibabahagi ako sa inyo tungkol sa mga naiisip ko nitong nakakaraang araw. Nag-umpisa ito nung Big Night ng PBB(malamang o kahit papaano ay alam niyo naman siguro kung anong un pero kung hindi mo alam ang ibig sabihin non ay ipagtanong mo na lang…), pagkatapos nung palabas at nalaman na ung Big Winner ay bigla akong napaisip… (hindi ko alam kung bakit tinatawag na Big Winner ung nananalo sa pagboto ng mga tao — BIG WINNER dahil kaya big ang napanalunan niya? Dahil kaya nagpakatotoo sila kaya sila binoto ng mga tao o dahil gwapo/maganda sila? O baka kaya gumawa ng ganitong programa ay para matustusan nila ang kanilang sarili para makaahon sa pagtaas ng presyo ng bigas?). Ano kaya ang susunod na edition nila kasi parang nauubusan na sila ng idea kung anong papatok, baka sakaling pagnaubusan na sila ay tanggapin nila ang suggestion ko na PBB Senior Citizen Edition — ang mga requirements dapat 90-200yrs old, kayang magbuhat ng 300lbs ng barbell, at kayang tumagal sa ilalim ng tubig na hindi bababa sa isang oras.
Pero papaano kung biglang nagkaroon ng kakaibang edition at sumali ung may mga supernatural powers, immortals at fictional characters kasama ng mga ordinaryong tao? E paano kung isang araw ay uminom ng Coke ung anghel at demonyo para sumali sa PBB? Paano kaya nila ise-settle ung conflict sa bahay ni kuya? Paano kung ang nakasama sa Big 4 ay ung anghel, demonyo, joker at isang serial killer?
Sino kaya sa tingin mo ang karapat-dapat na manalo? Pagbabatayan mo kaya ung pagpapakatotoo nila? Gusto mo bang manalo ung joker na hindi siniseryoso ang buhay at lahat ng task na binibigay ni kuya? O gusto mong manalo ung anghel na hindi nagpapakatotoo sa sarili at natatakot sumubok ng iba, at nagpapaka-showbiz lang? O ung demonyo na hindi natatakot gumawa ng mali o ung serial killer na sa lahat, siya ang pinaka nagpakatotoo — dahil pinatay niya lahat ng housemate niya (kaya natira ung anghel at ung demonyo kasi hindi sila kayang patayin nang serial killer, at kaya naman nakaligtas sa massacre ung joker kasi magaling siyang magtago).
Ang hihiranging Big Winner sa edisyong ito ay mananalo ng isang sakong Kropik at isang taong supply ng butong pakwan. Kung gusto mong manalo ung pam-bato mo ay maaring sundin lang ang direction ng pagboto through SMS… BB(space)JOKER and send to 666 kung gustong mong ang joker ang manalo, BB(space)ANGHEL and send to 666 kung sa tingin mo na siya ang nararapat makakamit ng malaking papremyong nakalaan, BB(space)DEMONYO and send to 666 kung sa tingin mo ay siya ang nararapat, BB(space)KILLER and send to 666 kung sa tingin mo siya sa tunay na nagpakatotoo sa sarili… (2soul/1vote)
Pero ano nga ba talaga ang mas maganda, ung nagpapakatotoo sa sarili kahit na alam mong mali ka o ung bumangon pagkatapos mong bumagsak, gumawa ng paraan para maging maayos ang buhay at i-improve ang sarili sa tamang paraan o ang manalo sa lotto, o baka naman magkaroon ng bf/gf na parang si Pacquiao kung manuntok???
Ang Pagpapatuloy: Walang Kakwenta-Kwentang Blog
August 27, 2008
Babala: Huwag gumamit ng toothpick sa pagpatay sa tulad kong loko-loko… Ipinapayo na lang na manahimik at pigilan ang sarili — ano mang mabasa mo dito ay pawang makatotohanan at ipinagbabawal na saktan o pagtangkaan ang nagsulat nito dahil sa kasalanan mo rin dahil binalaan ka ng huwag basahin ang susunod niyang isusulat dahil maiinis ka lang sa mga mababasa mo…
‘to na naman ako — nagbabalik para pasakitin na naman ang inyong ulo sa pagbasa nitong blog ko. Malamang ngayon pa lang ay nagdadalawang isip ka na basahin ‘to dahil nung huli mong binasa ung post kong walang kakwenta-kwenta at resulta lang ng aking malikot na imahinasyon pero mas maganda yatang sabihin naging resulta ng aking umaapaw na kalokohan sa katawan. Kaya ‘to na naman ako, walang patawad dahil na naman ay pasasakitin ko ang ulo mo sa walang kakwenta-kwenta kong mga sasabihin — hindi lang pala ulo ang pasasakitin ko sa’yo ngayon kundi pati ang iyong mga mata dahil basa ka lang ng basa sa walang kakwenta-kwentang nakasulat dito… Buti naman sa mga sandaling ‘to ay wala pa namang bumabato sa akin nang bulok na kamatis (batuhin na nila ako ng kamatis na bulok wag lang sanang may mga uod na kasama) at wala pa rin namang bumuhos ng tubig na galing sa imbornal sa akin (ang mas masakit sa bangs pag ang ibinuhos sa akin na tubig ay galing sa poso-negro), kung iniisip mong mahaba-haba na pasensya mo dahil napagtiyagaan mo na namang basahin ang wala kong kwentang mga sinusulat, nagkakamali ka, mahaba pa ‘to dahil nag-uuumpisa pa lang ako… Malamang sa nahihilo ka na mga binabasa mo ngayon dahil paiba-iba ang topic na sinasabi ko dito, kung mahilig kang mag-comment (ung tipong negative) at gusto mong ipa-ban ang account ko na ‘to dahil sa walang kakwenta-kwenta kong mga sinusulat, eto lang ang masasabi ko sa’yo (inggit lang yan, hindi ka mag-tumbling, trip ko ‘to e, walang basagan ng trip sa buhay — kung gusto mo mag-trip ka rin para hindi ka naiinggit), malamang sa naliligaw ka na sa mga sandaling madilim at magulo ang mundo pero minsan maganda rin na minsan sa buhay natin ay naliligaw tayo nang landas dahil sa panahong un ay mas makikilala mo ang sarili mo, matututo ka sa pagkakamaling nagawa mo at makikita mo ang sarili mo na nagbago ka(sa positibong paraan) pero huwag mong hayaang maging hadlang sayo ang pagkaligaw mo at manatiling nakabaon ka sa sitwasyong ‘yon at huwag mong sisihin ang mga taong nakapaligid sa’yo kaya ka nagkaganyan dahil kagagawan mo rin kaya ka naligaw ng landas, at huwag kang magpatalo sa takot mong hindi ka na muli makakapunta sa tamang daan — ikaw na mismo ang gumawa nang paraan para makabangon ka sa putik na binagsakan mo at gawin mong sandalan ang mga taong nagmamahal at nagpapahalaga sa’yo. Pag nasa tamang landas ka na ay huwag mong gawing sagabal sa’yo ang nakaraan at ang mga taong gusto kang lang ibagsak. Lumingon ka sa nakaraan pero wag ka ng bumalik pa. Pero ang pinaka importante talaga ay lumingon ka sa kaliwa at sa kanan pag tatawid ka sa kalsada para hindi ka maaksidente… Dapat ko na sigurong tapusin ang kalokohang ‘to dahil hating gabi na pero ‘to pa rin ako, at mulat na mulat pa ang aking mga mata at nagsusulat ng puro kalokohan dito — inuulit ko sa inyo kasalanan niyo dahil binasa ninyo ‘to sa halip na nag-a-accept na lang kayo ng comments, kaya sana naman huwag ninyo kong padalan ng death threat dahil mahal ko pa naman kahit papano ang buhay ko (kung magpapadala naman kayo dahil gusto niyo ng itigil ko ang pag-update ko sa blog ko ay pwede bang ‘wag ninyong padala through e-mails or message dito, padala niyo na lang sa akin na sulat kamay at kung pwede isulat niyo ng malinis at walang bura baka kasi mapagkamalan ko lang na prank jokes un).
P.S. :problema niyo na nga lang kung paano niyo makukuha ung address ng bahay namin…— haha