Sa dinami-dami ng mga nangangailangan ng trabaho ngayon sa bansang ito ay may mga taong sinasayang ang pagkakataong makapaglingkod sa kapwa at ginagawang parang laro ang trabaho nila, na parang hindi sila kontento sa kanilang tinatamasang karangyaan at pribilehiyo. Bakit may mga empleyadong sadyang sablay pagdating sa kanilang mga trabaho? Bakit natatanggap ang mga ito samantalang ang tangi lang naman nilang alam gawin ay ang magsolitaryo o ang magkuko sa gitna ng trabaho o di kaya ay kumakain kahit hindi pa lunch break at magchismisan lang ng mga walang kwentang mga bagay o manira ng kapwa samantalang mas maraming  pwedeng pag-aksayahan nila ng panahon, at may mas karapat-dapat na umukupa ng posisyon nila. At may mga empleyado pang tumataas ang posisyon kahit na alam mong mas matalino pa si “*tuuuutttt*” at mas masipag pa si Juan Tamad, dahil kaya sa mga kakilala nila sa industriyang kinabibilangan nila at sa utang na loob sa kanila? Hindi kaya nila naiisip na sa mga ginagawa nila ay malaki ang nagiging epekto sa buhay ng mga taong nangangailangan ng serbisyo nila? Bakit kaya nila binabalewala ang pagkakataong binigay sa kanila para makatulong sa kapwa at lumaki bilang indibidwal? Bakit may katulad din ng ibang guro na madalang pa sa patak ng ulan kung magsi-pasok at daig pa si “the flash” sa pag-abot ng mga sweldo at higit sa lahat ay may gana pa silang magreklamo sa mga tinatanggap nila samantalang wala naman silang nagawang tama, tila nagiging isang malaking palaruan na lang ang mga opisina at paaralan ng mga mapagsamantalang mga kawatang ito. Paano pa tayo makakabangon kung mula umpisa hanggang sa mga sandaling ito ay walang pinagbabago?