Bilanggo

September 20, 2008

Hindi ko maisaletra ang nasa aking isip at nararamdaman sa mga sandaling hawak ko itong keyboard ng computer… Hindi maintindihan kung anong lohika meron ang aking pag-iisip at hanggang ngayon ay nananatiling nakabaon ang aking mga paa sa isang kumunoy ng nakaraan… Lumilipas ang panahon at unti-unti na akong nauubusan ng oras at tila hindi pa rin ako umuusad sa aking mahabang paglalakbay…

 

Siguro nga manhid na ko, lalo na dito… pinipilit kong maging bulag at ginawang manhid ang sarili sa mga bagay na nakakasakit sa akin — sakit na dulot nang isang nakaraang hanggang ngayon ay pilit na kumakawala sa kulungang isinadlak kung saan at nakatago sa kasulok-sulukang bahagi ng aking pagkatao ngunit unti unting bumabalik at ang aking pagkasadlak noong panahong inakala kong wala ng katapusan ang aking kasiyahan… bagamat puno ng hapdi, nananatiling nakapikit at umaasang balang araw pagmulat ng aking mga mata ay nariyan na ulit siya sa aking harapan pero hanggang kailan ako aasang darating ang panahong aking pinapangarap… o magiging bilanggo pa rin ako ng aking nakaraan?

 

Hahayaan ko nalang bang mawala ang mga bagay na lubos kong pinapahalagahan mula pa noong naging akin at hanggang sa mga araw na nawala na ito sa akin… nagmistulang bulag, pipi’t bingi, inakalang maibabalik pa ang nakaraan. Paano pa ako mabubuhay kung wala sa akin ang kalahati ng puso ko at ang natitira naman ay nagkapira-piraso? Paano ako babangon at magpapatuloy kung pilay na ako at kung wala niisang kayang tumulong sa akin? Paano pa nga ba ang mabuhay kung alam mong ubos na ang panahon mo dito sa mundong ito? Hanggang saan kaya natin kayang maghintay sa taong un — siguro hanggang sa panahong dumating na sa atin ang dapit-hapon…

 

Gunita

June 19, 2008

Minsan ang sayang alalahanin ng nakaraan, minsan wala lang pero minsan pag naalala mo ang isang nakaraan ay bigla ka na lang malulungkot nang hindi mo alam kung bakit. Maraming alaalang masarap balik-balikan, marami ring bagay na gusto mo ng kalimutan, at meron ding ayaw mong maalis sa isip mo.

 

Minsan may mga tao tayong gusto ng kalimutan, may mga tao rin tayong naaalala pero hindi alam kung bakit, meron din namang taong laging naaalala at pag naaalala mo siya ay sobra kang sumasaya at siya rin ang kumukumpleto ng araw mo, kahit hindi mo siya nakikita o nakakausap ay ok lang dahil sapat na sayo ang alaala niyang naiwan sayo. Isang ngiti lang niya ay parang nakakuha ka ng perfect score sa isang exam, marinig mo lang ang boses niya ay daig mo pa ang nanalo sa isang quiz bee, makasama mo lang siya ay sapat na para mabuo ang araw mo, kausapin ka lang niya kahit anong lait at kutya sa iyo ay ayos lang at yakapin ka lang niya ay sasabihin mong pwede ka ng mamatay.

 

Pero minsan pag nabigo ka sa pag-ibig ay nasisiraan ka na ng tiwala sa sarili, nawawalan ng pag-asa, nanlulumo, at kung ano-ano pang sakit ang iyong nararamdaman. Minsan nawala na siya bago mo na-realize na mahal mo pa pala siya, na ayaw mong mawala siya sa buhay mo pero minsan kahit anong gawin natin pagsisisi sa nangyari ay wala na tayong magawa dahil tapos na ang lahat. Minsan akala natin nakalimutan na natin sila, na masaya ka na kahit wala na siya, na nakapag move-on ka na pero magugulat ka na lang at minamahal mo pa pala siya nang hindi mo namamalayan. Minsan pinipili nating itigil ang isang relasyon dahil sa mga komplikasyong hindi natin maiiwasan, pinili nating maging manhid upang maiwasan ang sakit na naidudulot nito. Minsan sa pagpili nating lumayo at ang buong akala natin na gusto rin ng dati nating mahal ang pinili mo ay hindi mo alam na sobra pala siyang nasasaktan sa pinili mo at pinili lang niya un dahil wala na siyang ibang pamimilian kundi ang lumayo at umiwas sa’yo dahil sa iyon ang gusto mo, at dahil sobra ka niyang mahal ay mas pinili niyang sumuko at maging malaya.

 

Minsan ayaw nating mawala at saktan ang taong minamahal natin pero dahil sa pagkakaiba ng inyong mga paniniwala at idolohiya ay nagkakaroon ng lamat sa inyong pagmamahalan. Nakakatakot magmahal at mas nakakatakot ay mismong sarili mo na ang hindi kayang pagkatiwalaan. Napakamisteryoso ng pag-ibig, minsan napakasarap at kung minsan naman ay napakasakit.