Dahil kay Bagyong Ondoy….

September 27, 2009

Tila isang malaking bangungot ang biglang tumambad sa ating harapan. Isang kalamidad kung saan libo-libo ang naapektuhan. Hindi lang ang mga taong nasalanta ni bagyong Ondoy ang “binaha” kundi pati ang mga kaban ng iilan… at ginagamit ang sitwasyon para sa kanilang sariling kapakanan…

Malaking unos ang gumimbal hindi lang sa ating bayan kundi pati sa ating gobyerno na kung minsan ay natutulog lang sa kawalan… Ngunit minsan mas pinipili pa nating pansinin ang pagkakamali ng iba bago nating mamalayan tayo na ang kinakain ng ating sariling kasakiman…

Hindi ba kayo nagtataka kung paano napapaikot ng telebisyon ang mga buhay natin? Marahil ay may ideya na ikaw kung ano ang gusto kong iparating. Mula gamit ng bata hanggang sa simpleng lutuin, sa mga iskandalong kinasasangkutan ng pulitiko hanggang sa mga “nagbabato” ay nagiging parte tayo ng hindi mabilang na pagkakataon nang hindi man lang natin alam kung tama nga ba ang napapanood natin. Halimbawa na lang ay ang mga sinasamang “pampalasa” na kung iisipin natin ay maganda kasi makakatipid sa oras at pera pero ang hindi natin alam ay kung maganda nga ba sa katawan natin un, isa pa sa halimbawa nito ay ang mga napapanood natin sa telebisyon tungkol sa pulitika na kung papansinin mo ay may pinapanigan sila o di kaya ay nagiging daan sila para ipagtanggol o pagtakpan ang sa tingin nila ang “tama” – pero hindi ba ang dapat ay patas na pagtingin sa bawat panig, may paninindigan at walang halong pulitika.

 

Bakit may mga kumpanyang inuuna ang interes nila at hinuhuli ang kapakanan ng mamamayan samantalang ang sinasabi nila ay ang taong bayan ang pinaglilingkuran nila.

 

Malapit na naman ang eleksyon at narito na naman ang mga pulitikong gustong magkaroon ng kapangyarihan para mas yumaman, para mapagtakpan ang mga kawalangyaang ginawa at ginagawa nila. Nagsisilabasan na naman sila isa-isa sa telebisyon upang maihanda tayo sa kanilang maiitim na layunin ngunit hindi pa ba tayo natututo sa mga pagkakamali natin? Huwag tayong maging bulag sa mga nakikita natin lalo na at alam nating hindi na tama, baka huli na pag nalaman nating ginigisa na tayo sa sarili nating mantika kasama ang pampalasa na lalason hindi lang sa atin mga utak kundi pati sa ating pagkatao.

Sa dinami-dami ng mga nangangailangan ng trabaho ngayon sa bansang ito ay may mga taong sinasayang ang pagkakataong makapaglingkod sa kapwa at ginagawang parang laro ang trabaho nila, na parang hindi sila kontento sa kanilang tinatamasang karangyaan at pribilehiyo. Bakit may mga empleyadong sadyang sablay pagdating sa kanilang mga trabaho? Bakit natatanggap ang mga ito samantalang ang tangi lang naman nilang alam gawin ay ang magsolitaryo o ang magkuko sa gitna ng trabaho o di kaya ay kumakain kahit hindi pa lunch break at magchismisan lang ng mga walang kwentang mga bagay o manira ng kapwa samantalang mas maraming  pwedeng pag-aksayahan nila ng panahon, at may mas karapat-dapat na umukupa ng posisyon nila. At may mga empleyado pang tumataas ang posisyon kahit na alam mong mas matalino pa si “*tuuuutttt*” at mas masipag pa si Juan Tamad, dahil kaya sa mga kakilala nila sa industriyang kinabibilangan nila at sa utang na loob sa kanila? Hindi kaya nila naiisip na sa mga ginagawa nila ay malaki ang nagiging epekto sa buhay ng mga taong nangangailangan ng serbisyo nila? Bakit kaya nila binabalewala ang pagkakataong binigay sa kanila para makatulong sa kapwa at lumaki bilang indibidwal? Bakit may katulad din ng ibang guro na madalang pa sa patak ng ulan kung magsi-pasok at daig pa si “the flash” sa pag-abot ng mga sweldo at higit sa lahat ay may gana pa silang magreklamo sa mga tinatanggap nila samantalang wala naman silang nagawang tama, tila nagiging isang malaking palaruan na lang ang mga opisina at paaralan ng mga mapagsamantalang mga kawatang ito. Paano pa tayo makakabangon kung mula umpisa hanggang sa mga sandaling ito ay walang pinagbabago?

Bakit may mga professor na hindi mo maituturing na isang “mentor” o kahit na isang guro? Bakit may mga guro pa rin na ang tanging alam lang ay ang magkwento tungkol sa buhay nila at magpa-research kung may tanong na hindi nila alam ang sagot o ang magturo ng hindi naman nila alam ang itinuturo at higit sa lahat ay ang mga gurong madalang pa sa patak ng ulan sa disyerto kung pumasok at mas mabilis pa sa alas-kwarto kung oras na ng sweldo? Bakit natatanggap ang mga ganito samantalang mas maraming karapat-dapat tumuntong sa posisyon nila? Porke ba nakakuha sila ng masteral degree o di kaya nagkaroon sila ng PhD sa pangalan nila? Saan nga ba nasusukat ang kagalingan ng isang guro, sa mga karangalan ba nilang nakamtan o sa dedikasyon nila para maimulat sa kanilang mga estudyante ang katotohanan? Kaya ba hanggang sa ngayon ay bumababa ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa dahil sa mga mapagsamantalang kawatan at sa katulad ng mga gurong ito?