Ang Pagpapatuloy: Walang Kakwenta-Kwentang Blog
August 27, 2008
Babala: Huwag gumamit ng toothpick sa pagpatay sa tulad kong loko-loko… Ipinapayo na lang na manahimik at pigilan ang sarili — ano mang mabasa mo dito ay pawang makatotohanan at ipinagbabawal na saktan o pagtangkaan ang nagsulat nito dahil sa kasalanan mo rin dahil binalaan ka ng huwag basahin ang susunod niyang isusulat dahil maiinis ka lang sa mga mababasa mo…
‘to na naman ako — nagbabalik para pasakitin na naman ang inyong ulo sa pagbasa nitong blog ko. Malamang ngayon pa lang ay nagdadalawang isip ka na basahin ‘to dahil nung huli mong binasa ung post kong walang kakwenta-kwenta at resulta lang ng aking malikot na imahinasyon pero mas maganda yatang sabihin naging resulta ng aking umaapaw na kalokohan sa katawan. Kaya ‘to na naman ako, walang patawad dahil na naman ay pasasakitin ko ang ulo mo sa walang kakwenta-kwenta kong mga sasabihin — hindi lang pala ulo ang pasasakitin ko sa’yo ngayon kundi pati ang iyong mga mata dahil basa ka lang ng basa sa walang kakwenta-kwentang nakasulat dito… Buti naman sa mga sandaling ‘to ay wala pa namang bumabato sa akin nang bulok na kamatis (batuhin na nila ako ng kamatis na bulok wag lang sanang may mga uod na kasama) at wala pa rin namang bumuhos ng tubig na galing sa imbornal sa akin (ang mas masakit sa bangs pag ang ibinuhos sa akin na tubig ay galing sa poso-negro), kung iniisip mong mahaba-haba na pasensya mo dahil napagtiyagaan mo na namang basahin ang wala kong kwentang mga sinusulat, nagkakamali ka, mahaba pa ‘to dahil nag-uuumpisa pa lang ako… Malamang sa nahihilo ka na mga binabasa mo ngayon dahil paiba-iba ang topic na sinasabi ko dito, kung mahilig kang mag-comment (ung tipong negative) at gusto mong ipa-ban ang account ko na ‘to dahil sa walang kakwenta-kwenta kong mga sinusulat, eto lang ang masasabi ko sa’yo (inggit lang yan, hindi ka mag-tumbling, trip ko ‘to e, walang basagan ng trip sa buhay — kung gusto mo mag-trip ka rin para hindi ka naiinggit), malamang sa naliligaw ka na sa mga sandaling madilim at magulo ang mundo pero minsan maganda rin na minsan sa buhay natin ay naliligaw tayo nang landas dahil sa panahong un ay mas makikilala mo ang sarili mo, matututo ka sa pagkakamaling nagawa mo at makikita mo ang sarili mo na nagbago ka(sa positibong paraan) pero huwag mong hayaang maging hadlang sayo ang pagkaligaw mo at manatiling nakabaon ka sa sitwasyong ‘yon at huwag mong sisihin ang mga taong nakapaligid sa’yo kaya ka nagkaganyan dahil kagagawan mo rin kaya ka naligaw ng landas, at huwag kang magpatalo sa takot mong hindi ka na muli makakapunta sa tamang daan — ikaw na mismo ang gumawa nang paraan para makabangon ka sa putik na binagsakan mo at gawin mong sandalan ang mga taong nagmamahal at nagpapahalaga sa’yo. Pag nasa tamang landas ka na ay huwag mong gawing sagabal sa’yo ang nakaraan at ang mga taong gusto kang lang ibagsak. Lumingon ka sa nakaraan pero wag ka ng bumalik pa. Pero ang pinaka importante talaga ay lumingon ka sa kaliwa at sa kanan pag tatawid ka sa kalsada para hindi ka maaksidente… Dapat ko na sigurong tapusin ang kalokohang ‘to dahil hating gabi na pero ‘to pa rin ako, at mulat na mulat pa ang aking mga mata at nagsusulat ng puro kalokohan dito — inuulit ko sa inyo kasalanan niyo dahil binasa ninyo ‘to sa halip na nag-a-accept na lang kayo ng comments, kaya sana naman huwag ninyo kong padalan ng death threat dahil mahal ko pa naman kahit papano ang buhay ko (kung magpapadala naman kayo dahil gusto niyo ng itigil ko ang pag-update ko sa blog ko ay pwede bang ‘wag ninyong padala through e-mails or message dito, padala niyo na lang sa akin na sulat kamay at kung pwede isulat niyo ng malinis at walang bura baka kasi mapagkamalan ko lang na prank jokes un).
P.S. :problema niyo na nga lang kung paano niyo makukuha ung address ng bahay namin…— haha
Ang Walang Kakwenta-kwentang Blog
August 11, 2008
Ilang buwan na rin pala akong ganito. Ilang beses na akong nag-iisip ng mga walang kakwenta-kwentang bagay. Mga bagay na dapat ko na lang itago at huwag ng sabihin pa. Ngayon ay nagsusulat ako ng isang blog post pero sadyang blanko ang aking pag-iisip at wala akong maisulat kundi ang mga wala kong kakwenta-kwentang naiisip ngayon pero ‘to pa rin ako nagsusulat/nagta-type ng isa na namang walang kwentang blog post. Siguro nga may mga bagay na kailangang itago at kimkimin na lang at mga bagay na kahit anong plano ang gawin mo kung nakatakdang pumalpak ay papalpak. Hindi ko maipahiwatig ang aking gustong sabihin sa mga sandaling ‘to ngunit nangangahas pa rin akong sumulat sapagkat ‘to lang ang aking tanging paraan para masabi ko ang aking tunay na nararamdaman pero wala pa rin akong masabing matino sa mga sandaling ‘to. Kung iniisip mong wala lang akong magawa kaya ‘to ko at nagta-type ng walang kakwenta-kwentang blog post dito ay nagkakamali ka dahil pinagta-type ako ng aking tatay ng isang 50pages na report niya pero oo, nag-aaksaya lang ako ng oras dahil dapat nagta-type na lang ako ng pinapagawa sa aking pero sa halip ay gumagawa ako nito at ikaw naman na bumabasa ay unti-unti nang naiirita sa mga sinasabi ko. Siguro kaya ako gumagawa nito dahil frustrated, malungkot, puyat, at kung ano-ano pang kagag*hang nasa katawan ko ngayon pero higit sa lahat kaya ako gumagawa nito ay dahil wala lang at sadyang loko-loko lang ako at para lang may mailagay ako sa blog ko dahil halos isang buwan ko ng hindi naia-update ‘to… Kaya ngayon ay kailangan ko ng tapusin ‘to — baka kasi ngayon ay nagsisisi ka dahil binasa mo pa ‘to… Kaya bago pa ako batuhin ng bulok na kamatis (ung tipong may uod-uod pa), buhusan ng tubig galing sa imbornal ay magpapaalam na ko pero hindi ibig sabihin ay ititigil ko na rin ang pagsusulat ng ganitong mga walang kakwenta-kwentang blog post — problema mo na yun pagbinasa mo pa rin ang susunod kong mga blog…
Pambihirang Kalokohan
July 7, 2008
Paunang pagsasalita: Dahil may nagrequest sa akin na sana daw ay wag dikit dikit ang aking mga sinusulat dahil daw masakit na ang kanyang mga mata kakabasa sa panget kong blog at hindi pa nakontento dahil sinabi pang gawing black na lang ang kulay ng mga letrang gagamitin ko. Pero dahil ang gusto ko ay nakakapaminsala ng mga tao ay hindi ko siya susundin (kahit na pinagbantaan pa niya ang buhay ko)…
Karugtong ‘to ng aking walang katapusang kalokohan sa buhay— kasama na ang hindi ko mapigilang emosyong maaring makasira o makaayos sa buhay mo… Kung hindi mo naitatanong, ay huwag mo na lang itanong kasi ayokong sumasagot ng mga tanong…
Paano ko nga ba uumpisahan ‘to? Paano nga ba mag-umpisa? O tapusin ang isang sinimulan mo? Mas maganda ba pag sinimulan mo nang masaya tapos sa huli ay may masasaktan? Wala lang naman, natanong ko lang sa sa’yo un pero alam ko namang habang binabasa mo ‘to ay wala ka ring pakialam… Marami lang kasing tanong sa isip ko na pag sinabi ko dito, malamang sa murahin mo pa ko pero may ibabahagi ako sa’yong tanong, bakit nga ba ang ibang mag-asawa pag pinapangalanan ung anak nila ay sobrang haba? Hindi kaya nahihirapan ung anak nila pag nag-umpisa na siya ng pag-aaral at nag-uumpisa na ’tong magsulat ng pangalan niya na kasing haba o mas mahaba pa sa Great Wall ng China? At hindi kaya nabubwisit ang mga taga-NSO at ang mga empleyado ng ospital pagnirerehistro na nila ang pangalan ng bata? Nagkakasya pa kaya ung pangalan ng anak nila sa grading sheet ng guro nila?
Siguro unti-unti ng nanakit ang ulo mo sa pagbabasa ng mga sinusulat ko nung una pa lang pero hindi mo ba naisip na mas higit na sakit ng ulo ang idinudulot mo sa mga magulang mo dahil sa pagiging pasaway mo? Tulad ko, kaya nga dinadamay ko na kayo sa sakit ng ulo na naidudulot ko sa mga magulang ko sa pamamagitan ng paggawa ng mga ganito. Alam ko kaunti lang ang nagbabasa nitong walang kwentang blog ko dahil naiinis kayo dahil sa cute ako at nauubos lang ang oras n’yo pero nagpapasalamat ako dahil hindi pa naman ako minumura o kaya ay nagpapadala ng death threat.
Meron magsasabing maapil ako, meron magsasabing kwela ako, meron ring mapapangiti kahit papaano, meron ring ihahagis ang computer pagkatapos mabasa ang mga sinulat ko at ngayon ay hinahanap na ang bahay namin para papalitan ang sinira niya, merong maghahanap ng away at mag-aamok dahil sa inis sa akin, at meron mapapamura (dahil nakita nila ang picture ko — SI-YET ang CUTE naman niya) pero kahit anong reaksyon mo sa sinulat ko o pagkakaintindi dito ay simple lang ang leksyon na dapat mong matutunan — BAYARAN NIYO TALENT FEE KO!!! Wala ng libre ngayon, nagmahal na bigas!!!
Gunita
June 19, 2008
Minsan ang sayang alalahanin ng nakaraan, minsan wala lang pero minsan pag naalala mo ang isang nakaraan ay bigla ka na lang malulungkot nang hindi mo alam kung bakit. Maraming alaalang masarap balik-balikan, marami ring bagay na gusto mo ng kalimutan, at meron ding ayaw mong maalis sa isip mo.
Minsan may mga tao tayong gusto ng kalimutan, may mga tao rin tayong naaalala pero hindi alam kung bakit, meron din namang taong laging naaalala at pag naaalala mo siya ay sobra kang sumasaya at siya rin ang kumukumpleto ng araw mo, kahit hindi mo siya nakikita o nakakausap ay ok lang dahil sapat na sayo ang alaala niyang naiwan sayo. Isang ngiti lang niya ay parang nakakuha ka ng perfect score sa isang exam, marinig mo lang ang boses niya ay daig mo pa ang nanalo sa isang quiz bee, makasama mo lang siya ay sapat na para mabuo ang araw mo, kausapin ka lang niya kahit anong lait at kutya sa iyo ay ayos lang at yakapin ka lang niya ay sasabihin mong pwede ka ng mamatay.
Pero minsan pag nabigo ka sa pag-ibig ay nasisiraan ka na ng tiwala sa sarili, nawawalan ng pag-asa, nanlulumo, at kung ano-ano pang sakit ang iyong nararamdaman. Minsan nawala na siya bago mo na-realize na mahal mo pa pala siya, na ayaw mong mawala siya sa buhay mo pero minsan kahit anong gawin natin pagsisisi sa nangyari ay wala na tayong magawa dahil tapos na ang lahat. Minsan akala natin nakalimutan na natin sila, na masaya ka na kahit wala na siya, na nakapag move-on ka na pero magugulat ka na lang at minamahal mo pa pala siya nang hindi mo namamalayan. Minsan pinipili nating itigil ang isang relasyon dahil sa mga komplikasyong hindi natin maiiwasan, pinili nating maging manhid upang maiwasan ang sakit na naidudulot nito. Minsan sa pagpili nating lumayo at ang buong akala natin na gusto rin ng dati nating mahal ang pinili mo ay hindi mo alam na sobra pala siyang nasasaktan sa pinili mo at pinili lang niya un dahil wala na siyang ibang pamimilian kundi ang lumayo at umiwas sa’yo dahil sa iyon ang gusto mo, at dahil sobra ka niyang mahal ay mas pinili niyang sumuko at maging malaya.
Minsan ayaw nating mawala at saktan ang taong minamahal natin pero dahil sa pagkakaiba ng inyong mga paniniwala at idolohiya ay nagkakaroon ng lamat sa inyong pagmamahalan. Nakakatakot magmahal at mas nakakatakot ay mismong sarili mo na ang hindi kayang pagkatiwalaan. Napakamisteryoso ng pag-ibig, minsan napakasarap at kung minsan naman ay napakasakit.